“A Continuing Saga”
(hindi ko alam i-Tagalog, ahahay)
2014 yun–matanda na ako…bakit nga ba ako nag-enrol sa Master of Science in Health Informatics? Ika nga ni Dr. Iris Thiele Isip-Tan noong unang araw ng klase ko sa HI 201. Ang sagot ko sa aking pagka-alala… siguro mid-life (or post-menopausal?) crisis ko ito. Yung pa-isa-isang klase, aba natatapos rin pala! Sa wakas, gru-maduate na ako…sa MRR napapunta. Sa mga hindi naka-kaalam… ang MRR ay maximum residency rule. Sa madaling salita, over-staying student na ako sa kurso. Ano ang nagkulang? Thesis! sus ginoo, ang hirap mag-umpisa.
Itong taong ito, ang aking MRR ay may kaakibat na penalty course… ah este, enrichment course na pala. Nakikiuso pa sa pagigiging “politically correct” at tsaka para hindi daw masyadong “nega.” Ang penalty course ko… Research Methods (HI299 po, under Dr. Emer Faraon). Hala, ang nag-technical review ng mga papel ng residente…kailangan mahimasmasang muli ng basic research methods. Kinabahan na nga ako ng unang araw ng klase…kasi ang pagkakatanda ko noong una ko itong kinuha, minarapat ni Doc Emer noon, na dapat ay may matapos na pananaliksik at may nakasulat na papel. Meron akong nagawa noon na maikling papel… pero ang layunin ko ngayon ay umandar ang isusulat na thesis proposal. Nakahinga ako ng maluwag, kasi written proposal na lang ang kailangan. Malaking tulong sa aking problemang maumpisahan ang pagsulat ng proposal.
Maraming pinagdaanan yung aking health informatics thesis proposal. Pati Research Forum ng National Teachers Training Center for Health Professions nag-attend ako… binayaran ng aking home department–ang Department of Ophthalmology and Visual Sciences ng UP-Philippine General Hospital. Nainip na rin siguro sila. Ang research na topic ng Integrated Faculty Development Program (IFDP) ng UP College of Medicine, pinasukan ko din–hindi para sa pangakong promosyon (sumuko na ako matagal na), kundi magkaroon ng katuparan ang minimithing #thesisko.
A-este… ang una kong proposal: “User-centered design with expert content development of a decision support system for prescribing eyeglasses in kindergarten children…” Sa pagsangguni ko sa adviser na si Dr. Iris…ay wala palang research question! Namalayan ko yan, midway na sa aking enrichment course. Imagine… lahat ng pinag-gagawa kong submission ay tungkol don… paano ako matatapos? Isip-isip. “Mag-law na lang kaya ako?” o dili kaya, lumipat ng masters course na walang thesis. Kinailangan kong mahimasmasan sa tulong ng aking mentor at propesor… si Dr. Mario Valenton. Ano daw gagawin ko sa law? loko, haha.
Naghunos dili, at itinuloy ang pag-isip-isip. O sige, baguhin natin ng kaunti, para naman hindi masayang ang aking nauna ng napag-aralan. “Changing prescribing patterns of non-pediatric ophthalmologists with a novel decision support system…” Si Dr. Iris, matinik talaga. Hindi ko na naman masagot…”anong ibig mong sabihin sa CHANGE?” A e… kelangan pa palang i-“define” ang pagbabago. At ang statistics na naisip ko… aba e mali naman pala. T-test ang akala ko…ay sus ginoo… Mc Nemar, Binomial, Spearman regression, lahat narinig ko sa pagkunsulta kay Dr. Aljo Molino. Nakatataranta rin pag kumunsulta kay Dr. Molino…parang walang katapusang thesis. Nakaisip ba namang palawakin ang aking proposal at gawing experimental pa ang aking proposal. Descriptive na nga lang at quasi-experimental, di na magkadaugaga, experimental pa daw o. Nagbibiro lang siguro sya. Sabi ko nalang next paper siguro. Asa pa ako, pang PhD?! Si Dr. Molino…iba. Ang proposal ko, convenience sampling–sabi nya random sampling ang gawin. Ang sabi ko n=12 lang sabi sa literature review, pwede na… kahit na, at least n=30 daw. Nanlaki na ang aking mga matang singkit. Tapos yung isang grupo ng espesyalista, halos kwarenta lang sila… aba e, kunin ko raw silang lahat! Nagbibiro kaya sya? Parang hindi naman. Kasi pagkunsulta ko ulit, ng binago ko ang research topic, yun pa rin ang kanyang rekomendasyon.
Kinakabahan ako ng nagpakita ako ng topic at proposal sa aking adviser. Eh kasi, pwedeng lahat mali, ulitan. Sabi ko sa sarili ko…ah, pag ito hindi na-approve yung topic, aayaw na ako. Aba eh, sa kabutihang palad…ang sinambit…okay yan, pero marami ka pang kulang (euphemism lang kaya?). Literature review ka ulit. Step 1. Mahaba pa ang landas na tatahakin ng #thesisko. Pero #kayako at #tatapusinko… sana :-).
(eh kung imbes na nagsulat ka ng blog, nag literature review ka kaya? Pabayaan nyo na ako sa aking simpleng kaligayahan. Na-miss ko lang si WORDPRESS. :-))